Tatlong binatilyo ang namatay habang naliligo kasama ang mga kabarkada sa bahagi ng Aplaya sa Baseco Compound Tondo, Maynila.
Sa imbestigasyon ng Manila Police District Police Community Precinct sa Baseco, dead-on-the-spot si MJ Toto Arigadas, 12 taong gulang, habang nasawi naman sa ospital sina Nelson Calalas, 13 taong gulang at Rodrigo Janjan Rial, 17 taong gulang.
Ayon sa kwento ng dose anyos na si Wilson Calalas, kapatid ni Nelson, magkakasama silang naliligo sa Manila Bay sa kasagsagan ng ulan kahapon.
Ang kaniyang kuya na si Nelson at sina Arigadas at Rial ay magkakahawak ng kamay habang sinasalubong ang alon nang biglang kumidlat.
Sinabi ni Wilson na pare-pareho silang nawalan ng malay matapos ang malakas na kidlat, pero siya ay agad ding nagising at nakita ang tatlo na hindi na kumikilos. “Kumidlat po ng malakas, tapos nahimatay po ako, pero nagising din ako agad. ‘Yung tatlo po nakasama ko nahimatay sila, nawalan ng malay, at hindi na nagising,” ayon kay Wilson./ Ruel Perez