Ito’y matapos magdeklara ng state of lawlessness si Pangulong Rodrigo Duterte sa buong bansa, na sinundan naman ng pagtaas ng terror alert status sa level 3.
Ayon kay Dela Rosa, wala silang balak mag-deklara ng martial law, tulad ng kinakatakot ng karamihan, dahil wala rin namang sinasabi ang pangulo tungkol dito.
Aniya, malayo sa kanilang isipan ang ganitong desisyon at kahit siya mismo ay hindi niya imumungkahi sa pangulo na mag-deklara ng martial law.
Kwento ni Dela Rosa, nakakatakot para sa kaniya ang martial law dahil naranasan niya ang lagim nito noong siya ay bata pa at inabutan sila ng curfew sa daan.
Nahuli aniya sila ng Philippine Constabulary na naglalakad sa kalsada ng hatinggabi, pinarusahan at tinakot sila na ifa-firing squad.
Minsan na rin aniyang nagulpi noon ng Philippine Constabulary ang kaniyang ama at pinakain ng bangus na sugba, kung saan namaga ang mukha ng kaniyang ama.
Pero ayon kay Dela Rosa, sakali man na mag-deklara talaga ng martial law si Duterte, wala siyang magagawa kundi sundin ito pero tiniyak niyang mas aayusin nila ang pagpapatupad nito.
Aniya, titiyakin niya na sa oras na muling ipatupad ang martial law, walang karapatang pantao ang malalabag, dahil siya mismo ay minsang naging biktima nito.