Aguirre, iginiit na alam ni Lam ang tangkang panunuhol sa kaniya

Vitaliano AguirreIginiit ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II kahapon na alam ng gambling tycoon na si Jack Lam ang tangkang panunuhol sa kaniya ng kinatawan nito na si dating Senior Supt. Wally Sombrero para maging ‘ninong’ at protektor ng kaniyang casino sa bansa.

Ipinahayag ito ni Aguirre matapos idistansya ni lam ang kaniyang sarili mula kay Sombrero upang maisalba pa ang kaniyang negosyong Fontana Leisure Parks and Casino.

Kamakailan ay mainit sa mata ng otoridad ang negosyo ni Lam matapos mahuli ang mahigit 1,000 na illegal Chinese aliens na iligal ring nagtatrabaho rito, pati na rin dahil sa pagpapatakbo ng operasyon kahit walang lisensya at hindi pagbabayad ng mga bayarin sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR).

Ayon kay Aguirre, siguradong narinig ni Lam na kinausap siya ni Sombrero para maging padrino o tagapag-alaga sa kaniya dahil hindi naman ito ibinulong nang sila ay mag-usap.

Giit pa ng kalihim, bakit ngayon lang naglalabas ng reaksyon si Lam, ilang araw makalipas unang pumutok ang isyu.

Sa panig naman ng abogado ni Lam na si Atty. Raymond Fortun, hindi kailanman direktang nakipag-usap si Lam kay Aguirre sa kanilang pulong sa Shangri-La sa The Fort.

Bukod aniya kay Sombrero, may kasama pang dalawang interpreters si Lam, at si Sombrero ang pinaka-nakipagusap kay Aguirre.

Dagdag pa ni Fortun, kung anuman ang napag-usapan nina Aguirre at Sombrero, ito ay sa pagitan lamang nila at walang kinalaman si Lam dahil wala naman siyang dahilan para manuhol kung lehitimo ang kaniyang mga operasyon.

Itinanggi rin ni Fortun ang umano’y tangkang panunuhol rin ni Lam kay PAGCOR chair Andrea Domingo, at iginiit na walang iligal sa online gaming business ni Lam.

Read more...