Tanod at tricycle driver, patay sa magkahiwalay na pamamaril sa Pasay at Quezon City

pasay qc patayIsang tanod at isang tricycle driver ang halos magkasabay na pinaslang sa magkahiwalay na lugar sa Pasay City at Quezon City.

Unang napatay ang isang tricycle driver dakong alas-10:00 kagabi matapos pagbabarilin dito sa Derham St. Brgy. 176, Pasay City.

Lumalabas sa imbestigasyon na namamasada ang biktimang si Jerry Tulallian nang lapitan siya ng riding in tandem.

Agad namang napatay ang biktima matapos tamaan ng bala ng baril sa ulo sa loob mismo ng pinapasada niyang tricycle.

Sa pagsisiyasat ng SOCO, nakuha ang isang sachet ng hinihinalang shabu, habang natagpuan rin sa crime scene ang isang basyo ng kalibre 45 baril.

Ilang minuto lamang ang nakalipas ay pinagbabaril din ang tanod na si Angelito Victorino Luciano alyas “Ka Lito” ng mga hindi pa nakikilalang suspek habang nakatayo sa may bahagi ng Visayas Street, Brgy. Payatas B, Quezon City.

Hindi naman makapaniwala ang live-in partner ng biktima na si Regina Villegas, dahil wala umanong kaaway sa kanilang lugar si Ka Lito, maliban na lamang aniya sa mga nasagasaan nito sa iligal na droga.

Sa kwento naman ng bayaw ng biktima na si Chris Biculi, bago umalis sa bahay ang biktima sinabi nito may katatagpuin siyang pulis.

Ayon sa kinakasama ng biktima, si Lito ay sinasama ng mga pulis tuwing may operasyon sa kanilang barangay.

Read more...