Ayon kay Alvarez, pinayuhan na niya ang komite hinggil sa kung ano ang dapat na gawin sa ahensya.
Ang ERC ay nahaharap ngayon sa kontrobersiya matapos na magpakamatay si Director Francisco Villa Jr. dahil sa panggigipit umano sa kanya at sa mga iregularidad sa Bids and Awards Committee.
Sinabi naman ni Committee on Energy Chairman Lord Allan Jay Velasco na magsasagawa sila ng pagdinig sa susunod na Linggo.
Napagkasunduan ng kanyang lupon na magsagawa ng hiwalay na pagdinig tungkol sa korapsyon sa ERC.
Ilan sa mga planong irekumenda ay ang pag-amyenda sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) Law na siyang lumikha sa ERC, pagbuwag sa komisyon at ipasa sa Department of Energy ang generation at supply ng power industry, o kaya ay paglalatag ng istriktong polisiya at batas para maproteksyunan ang ERC sa anumang iregularidad.
Inaasahang gigisahin at haharap sa susunod na pagdinig ang mga opisyal ng ERC, lalo na ang mga sabit sa alegasyon ng katiwalian.