Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Public Affairs Office chief, Col. Edgard Arevalo, sa siyam na nasugatan, dalawa ang kritikal.
Halos magbuwis aniya ng buhay ang tropa ng pamahalaan kaya hindi tama ang mga akusasyong pineke ang ambush.
Sa mga ipinakakalat na balita sa Marawi City, itinatanggi umano ng mga residente sa Barangay Emi na mayroong pananambang na nangyari.
Sa pahayag umano ng mga residente doon, isa sa mga sundalo na sakay ng military truck ang nagpaputok gamit ang kaniyang service firearm.
Dahil dito, ang convoy na nakabuntot sa kanila ay inakala na sila ay tinatambangan kaya nagpaputok din sa palibot ng lugar kung saan may mga puno at kabahayan.
Wala din umanong nakita ang mga residente na fragments o wasak na sasakyan na bahagi ng convoy matapos ang sinasabing pagsabog ng IED.
Pero sa mga larawan mula sa 103rd brigade, may ipinakitang helmet ng isa sa mga sundalo na may tama ng bala ng baril.
Ang sasakyan na gamit ng PSG ay nakitaan din ng dalawang tama ng bala ng baril malapit sa logo nito.
Sinabi ni Arevalo na posibleng pakana lamang ng Maute Group ang pagpapakalat ng balitang peke ang ambush.
Samantala, ngayong araw, sa pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lanao Del Sur nais niyang mapuntahan ang mga sugatang PSG at sundalo.