Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Col. Edgard Arevalo, hepe ng Public Affairs Office (PAO) ng Armed Forces of the Philippines (AFP) mas nakalapit na rin ngayon ang mga sundalo sa lugar na kinukubkob ng grupo.
Ilang bahagi na lamang aniya ngayon ng Butig ang inookupahan ng Maute Group.
Ayon kay Arevalo, naging mahirap, maingat at planado ang hakbang ng mga sundalo lalo pa at nakapaglatag ng IED at nakapagtalaga ng mga sniper ang nasabing grupo.
Sa panig naman ng mga sundalo, nasa 21 ang sugatan at lahat sila ay agad naialis sa lugar at nadala sa pagamutan.
Positibo si Arevalo na sa lalong madaling panahon ay matatapos na ang problema sa Butig dahil unti-unti na ring nag-aalisan sa lugar ang grupo bunsod ng matinding opensiba ng militar.
Tiniyak din ni Arevalo na walang kumpirmadong impormasyon na kinikilala na nga ng ISIS ang Maute Group bilang kanilang kasapi o tagasuporta.