Pres. Park Geun-hye, handa nang bumaba sa pwesto

 

Handa na si South Korean President Park Gyun-hye na bumaba na sa kaniyang posisyon, kahit hindi niya pa natatapos ang kaniyang termino.

Sa kaniyang maiksing pagharap sa isang televised address, humingi ng paumanhin si Park sa pagkakasangkot niya sa political scandal na ilang linggo nang bumabalot sa kanilang bansa.

Ayon kay Park, susundin niya kung anuman ang maging desisyon ng National Assembly para sa kaniyang magiging kahihinatnan, kabilang na ang posibleng pagbaba niya sa pwesto.

Inako ni Park ang responsibilidad sa eskandalo pero iginiit na ang kaniyang mga naging desisyon ay para sa ikabubuti ng publiko at na hindi siya personal na nakinabang sa mga ito.

Samantala, tinutulan naman ng main opposition Democratic Party ang alok ni Park at tinawag itong diskarte para lamang maka-iwas sa impeachment na isinusulong ngayon ng mga mambabatas.

Sakaling mag-resign si Park o kaya ay katigan ng Constitutional Court ang impeachment vote sa parliament, kailangang magkaroon ng halalan sa loob ng 60 araw para mag-halal ng bagong presidente na manunungkulan sa limang taong termino.

Pansamantala, ang prime minister muna ang manunungkulan bilang pangulo habang wala pang naihahalal na bago.

Matatandaang nasangkot si Park sa eskandalo dahil sa umano’y pagpayag niyang maimpluwensyahan ng kaibigang si Choi Soon-sil ang kaniyang mga desisyon sa pamahalaan.

Read more...