RCBC: Bangladesh Bank ang dapat sisihin sa $81-M cyberheist

 

Ibinaling ngayon ng Rizal Commercial Banking Corp. (RCBC) ang sisi sa Bangladesh Bank (BB) kaugnay sa $81 million money laundering scandal.

Sa pahayag ni RCBC external counsel Thea Daep, ang Bangladesh Bank ang nagkaroon ng pagkukulang kaya nakalusot at nanakaw ang malaking halaga mula sa kanilang pondo.

Hinimok pa ng RCBC ang BB na maging tapat sa pamahalaan ng Pilipinas, na napakalaki na ng naitulong sa kanila, at sabihin kung sino talaga ang nagnakaw ng pera sa kanila.

Inilabas ni Daep ang pahayag matapos sabihin ni Bangladesh’s ambssador to Manila John Gomes na kailangang magbayad sa kanila ng RCBC ng $50 milyon o tinatayang nasa P2.5 bilyon, tulad ng ipinangako ng dating presidente ng bangko na si Lorenzo Tan.

Ayon pa kay Daep, marami nang ulat ang lumabas kung saan mismong matataas na opisyal ng Bangladesh ang nagsabi na naisagawa ang cyberheist dahil sa mga insiders sa BB, base sa initial findings ng kanilang sariling imbestigasyon.

Pagkatapos aniya nito ay biglang inihinto ng BB ang kanilang imbestigasyon, na ipinagtaka ng marami.

Giit pa ni Daep, ang RCBC lang ang naging taga-tanggap ng nakalusot na pondo sa aniya’y “three layers of highly protected financial institutions”: ang New Yor Federal Reserve, ang Swiss international money transfer service, at ang tatlong global banks na gumawa ng remittance.

Inakusahan niya rin si Gomes sa hindi patas na paggamit sa media para i-pressure ang pamahalaan at gamitin ito bilang kanilang sariling kolektor, na ikinasira naman ng imahe ng RCBC.

Hinamon rin ni Daep ang Bangladesh Bank na ilabas ang resulta ng kanilang imbestigasyon para bigyang linaw kung sino talaga ang mga nasa likod ng naturang money laundering scheme.

Sa ngayon ay nasa $15 million pa lamang ang narekober ng Bangladesh mula sa ninakaw na pondo sa kanila.

Samantala, sunud-sunod namang nag-bitiw sa pwesto ang mga matataas na opisyal ng RCBC.

Nag-resign na epektibo kahapon ang matagal nang corporate secretary ng RCBC na si Atty. Ma. Celia Fernandez-Estavillo, pero ayon sa kaniya, wala itong kinalaman sa kasong isinampa sa mga opisyal ng RCBC kamakailan.

Nais lang aniya niyang pagtuunana ang kaniyang hinaharap pagkatapos maresolbahan ang mga isyu sa Senado at BSP.

Ngayon naman magsisimula ang bisa ng resignation ng kanilang expatriate senior vice president na si Koji Ozonawa na Japanese liaison officer ng RCBC.

Nag-resign na rin ang first senior vice president at group head ng retail banking ng RCBC na si Lizette Margaret Mary Racela, epektibo ngayong araw.

Read more...