Ayon kay Pangulong Duterte, ang mga taga-sulong ng human rights na inaakusahan siyang nag-uutos na ipapatay ang mga drug suspects ang dapat sisihin sakaling lalo pang lumala ang problema ng iligal na droga sa bansa.
Aniya, kung ititigil niya ngayon ang laban kontra iligal na droga, dadami ang mga gumagamit nito sa bansa at darating ang oras na mas maraming mamamatay.
Isasama niya aniya sa mga ito ang mga human rights activists dahil sila ang dahilan kung bakit dumami pa ang mga drug suspects.
Base sa pinakahuling tala, pumalo na sa 2,500 ang mga napatay sa anti-drug operations ng pulisya mula nang maupo sa pwesto si Duterte, habang umabot na rin sa 2,500 ang mga napatay ng mga vigilante.
Samantala, muli namang iginiit ng pangulo na walang masama sa pagbabanta sa buhay ng mga masasamang elemento, lalo na kung sinasabi niya ito sa ngalan ng pag-protekta sa kaniyang bansa.