Kinumpirma ng direktor na si Arlyn Dela Cruz na hindi na magiging bahagi ng indie film na ‘Bubog’ ang aktor na si Baron Geisler.
Ito ay matapos ihian ni Baron ang kapwa aktor na si Ping Medina sa gitna ng isang take sa nasabing pelikula.
Ayon kay Dela Cruz, hindi na dapat asahan ni Baron na magkakaroon pa siya ng eksena sa nasabing pelikula dahil papatayin na lamang ang karakter nito.
Kasabay nito, nilinaw naman ni Dela Cruz na tuloy pa rin ang pelikulang “Bubog” kahit pa naging kontrobersyal na ito dahil sa ginawa ni Baron kay Ping na wala naman sa script.
Ani Dela Cruz, walang monitor na kinunan ang eksena dahil sa floor shot, malikot ang galaw ng eksena batay sa galaw ng mga aktor sa loob ng container van na masikip, may mga salo ng semento na bahagi ng eksena.
“We rehearsed, sinukat, buhat, hila, bagsak, where spot inside the container van and I acted out and demonstrated what each character should do. The instruction to Baron was simple, pumasok, lumuhod at tanggalin ang packaging tape sa bibig ni Ping, titigan ito, tumayo, lumabas ng container van”, ani Dela Cruz.
Nais na rin aniya nitong magmove-on sa isyu at madali man siyang magpatawad, tapos na siya sa aktor.
Samantala, hanggang ngayon ay hindi makapaniwala si Ping na magagawa sa kanya ni Baron ang naturang insidente.