Ayon kay Aguirre, hindi pa nagbibigay si Espinosa ng kaniyang affidavit, habang si Dayan naman ay hindi rin sumipot kahapon sa Department of Justice para sa kaniyang affidavit.
Nananatili aniya si Espinosa sa kustodiya ng Philippine National Police, at kakailanganin rin ng mga ito ng otorisasyon mula sa korteng naglabas ng arrest warrant laban sa kaniya, para siya’y mailipat sa National Bureau of Investigation (NBI).
Inasahan naman aniya nila kahapon ang pagdating ni Dayan, tulad ng sinabi ng abogado nito para ihain ang kaniyang application for provisional coverage ng WPP.
Hangga’t hindi nagagawa nina Espinosa at Dayan ang kanilang mga rekisito para maisailalim sa WPP, mananatili sila sa kustodiya ng pulisya.
Nasa kamay naman aniya ng dalawa kung itutuloy pa rin nila ang kanilang balak na magpasa-ilalim sa WPP, at wala namang problema kung hindi na sila interesado.