May posiblidad na napunta sa taong hindi karapat-dapat ang pabuyang isang milyong piso na nakalaan para sa taong nakapagturo sa kinaroroonan ni Ronnie Dayan, ang dating driver at nakalerasyon ni Senador Leila De Lima.
Ayon sa mga residente ng Bgy. Lacong, sa bayan ng San Gabriel, La Union, ang kanilang kababayan na si Juanito Gavina ng Sitio Bato, ang naunang nagturo sa kinaroroonan ni Dayan sa mga otoridad.
Gayunman, kanilang ikinagulat nang ibigay ang reward money sa ibang tao na hindi nila kilala.
Nadiskubre na lamang nila na isang lalakeng hindi ipinakita ang mukha ang nabiyayaan ng isang milyon nang iprisinta ito sa media sa Kongreso.
Ayon kay Bgy. Captain Dominador Lilan, umaani na ng kantyaw at paghingi ng ‘balato’ sa kanyang mga kabarangay si Gavina dahil inaasahan nilang ito ang tatanggap ng isang milyong piso.
November 20 pa aniya, ipinagbigay-alam ni Gavina sa kanya ang kinaroroonan ni Dayan matapos maipakita sa telebisyon ang mga larawan nito.
Ito rin aniya ang sumama sa mga otoridad upang dakpin si Dayan mula sa kanyang kubo sa Sitio Bato.
Gayunman, nakatakas ito at kinabukasan na nahuli sa Sitio Turod, sa Bgy.San Felipe, San Juan.
Sa kabila ng ginawa aniya ni Gavina, isang hindi nagpakilalang lalake na nag-aalaga umano ng mga kambing ang nakinabang sa isang milyon at masaya na sa kanyang ‘kayamanan’.