Ang mga nasugatang PSG members ay pawang bahagi ng advance party ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakatakdang magtungo sa Lanao Del Sur bukas.
Ayon kay Col. Michael Aquino, tagapagsalita ng PSG, naganap ang pagsabog ng dalawang IED alas 10:45 ng umaga sa Sitio Matalupay, Marawi City.
Sa ulat na nakarating kay Aquino, pito ang nasugatang PSG pero sa update mula kay Armed Forces of the Philippines spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla, siyam na PSG na ang naitala nilang ang sugatan.
Hindi muna inilabas ng PSG ang pangalan ng mga nasugatang PSG members dahil ipapaalam pa sa kani-kanilang pamilya ang nangyari.
Samantala, wala pang impormasyon mula sa palasyo kung tuloy ang pagtungo sa lalawigan ni Pangulong Duterte bukas.
Magtutungo doon si Pangulong Duterte dahil may nagpapatuloy na opensiba ng tropa ng pamahalaan laban Maute Group na nasa Butig, Lanao Del Sur.