Posibleng nasa Metro Manila pa ang taong nag-iwan ng bomba kahapon sa baywalk sa Roxas Boulevard sa Maynila.
Ayon kay National Capital Region Police Office director, Chief Supt. Oscar Albayalde, patuloy ang ginagawa nilang aksyon para mahanap ang kinaroroonan ng suspek na naglagay ng bomba malapit sa US Embassy.
Katuwang ng Philippine National Police ang Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines at ang intelligence units ng iba pang law enforcement agencies.
Kahapon sinabi na ni Albayalde na hiniling na nila sa US Embassy na mabigyan sila ng kopya ng CCTV footage sa lugar.
Isang IED composed na may 81mm mortar, 9-volt battery at cellphone ang natagpuan ng isang street sweeper kahapon sa basurahan sa baywalk.
Agad itong naitimbre sa mga tauhan ng bomb squad ng Manila Police District kaya nagawa itong i-detonate.
Ayon kay Albayalde, may testigo na sila na maaring makapagbigay impormasyon sa pagkakakilanlan ng suspek na nag-iwan ng bomba.
Ilalabas aniya nila ang cartographic sketch ng suspek sa sandaling maisapinal na ito.