Ngayong araw na nakatakdang magbukas ang malaking drug rehabilitation center na ipinatayo ng pamahalaan sa loob ng Fort Magsaysay sa Laur, Nueva Ecija.
Ang paglulunsad ng Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center (DATRC) ay hudyat rin ng panibagong estratehiya sa laban ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Ayon sa pahayag ng Malacañang, kasabay ng pagpapatupad ng batas laban sa problema sa iligal na droga, ay haharapin rin nila ang problemang pangkalusugan na kaakibat nito.
Magiging bukas ang DATRC sa 700,000 na drug users na sumuko sa Oplan Tokhang ng Philippine National Police (PNP).
Ito na anila ang tugon ng pamahalaan sa mga nababahala tungkol sa availability ng mga pasilidad na makakatulong sa mga napariwara ang buhay dahil sa iligal na droga.
Pangungunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbubukas sa isa sa apat na sections ng rehabilitation center na kayang tumanggap na ng 2,500 na pasyente.
Umaasa ang Malacañang na makakatulong ang pasilidad na ito sa mga biktima ng iligal na droga para sila ay makabangon.