Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) masungit na panahon ang mararanasan ngayon sa lalawigan ng Batanes dahil sa bagyong Hanna. Habang ang pag-ulan na dala ng habagat ay maaring makapagdulot ng flashfloods at landslides sa Western Visayas at sa mga lalawigan ng Mindoro at Palawan.
Sa latest weather bulletin ng PAGASA, ang bagyong Hanna ay huling namataan sa 485km East Northeast ng Itbayat, Batanes. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 165 kilometers kada oras at pagbugsong aabot sa 200 kilometers kada oras.
Nananatiling sa West Northwest ang direksyon ng bagyo sa bilis na 20 kilometers kada oras.
Nakataas pa rin ang public storm warning signal number 2 sa lalawigan ng Batanes, kabilang ang Itbayat, at public storm warning signal 1 naman sa Calayan at Babuyan Group of Islands at sa Northern Cagayan.
Kung mapapanatili ng bagyong Hanna ang kasalukuyang bilis nito, maaring bukas ng umaga o tanghali ay lalabas na ito ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ayon kay PAGASA Forecaster Shelly Ignacio, ang pag-ulang nararanasan ngayon sa Visayas at Southern Luzon ay epekto ng habagat. Sa Metro Manila, makararanas na ng mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan simula bukas ng umaga. Habang sa Mindanao na ilang araw na inulan, sinabi ng PAGASA na unti-unti nang mararanasan ang pagganda ng panahon./ Dona Dominguez-Cargullo