(updated) Umabot na sa siyam ang nasawi sa pagbaha sa Valencia City sa Bukidnon sanhi ng habagat na pinalakas ng bagyong Hanna.
Ayon kay Valencia City Disaster Risk Reduction and Management Office, Information Officer Jovenone Ellacone, umabot ng hanggang sampung talampakan ang taas ng tubig sa Barangay Poblacion dahil sa pag-apaw ng creek.
Natagpuan na ang ika-siyam na biktimang inanod ng malakas na agos ng tubig sa umapaw na creek. Karamihan sa mga nasawi ay magkakamag-anak at nasa kanilang mga bahay nang rumagasa ang tubig.
Kinilala ang mga nasawi na sina Babyrose Batistil, 9 na taong gulang; Bobsky Z. Batistil, 7 taong gulang; Eduardo Eroisa, 42 taong gulang; Gina D. Eroisa, 25 taong gulang; ang sanggol na si John Drancis D. Eroisa, anim na buwang gulang; Dahlia Mae D. Lozano, 6 na taong gulang; Jielove L. Badoy, 5 taong gulang; Virgilio G. Telin, 46 na taong gulang; at si Epefanio M. Canamo Jr, 23 taong gulang.
Sa datos ng CDRRMO, labingwalong bahay ang wasak at inanod ng malakas na agos ng tubig baha.
Ngunit sa panayam ng Radyo Inquirer sinabi ni Ellacone, bumuti na ang kalagayan ng panahon ngayon sa Bukidnon. Ani Ellacone, “Gumaganda na po ang lagay ng panahon, pero may baha pa rin po kasi umapaw ang creek sa Barangay Poblacion, nawasak po ang mga bahay doon. Umabot po kasi ng 10 feet ang taas ng tubig nung mag-overflow ang creek”.
Nananatili naman sa evacuation center ang 95 pamilya dahil takot pa silang magsibalikan sa kanilang mga bahay.
Apektado rin ng pagbaha ang Malaybalay sa Bukidnon.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), labis na naapektuhan ang mga lugar ng Sugud, Ginoyuran, Tugaya, Bagong Mataas at Poblacion sa lungsod ng Valencia na isinailalim na sa state of calamity, at ang mga ng mga sitio at Barangay Jose at Purok 4 sa Lanawan Linabo naman ang labis na naapektuhan sa bayan ng Malaybalay.
Hindi naman madaanan ang ilang mga lugar sa Kidapawan dahil sa mga landlides na naganap sa Sitios of Sudsuhayon, Sayaban at Agco.
Sa ngayon nasa 360 na pasahero na lamang ang stranded sa mga pantalan ng Western, Central at Eastern Visayas./Kathleen Betina Aenlle