Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Armed Forces of the Philippines spokesman, Brig. Gen. Restituto Padilla na Lunes ng umaga, umabot na sa 19 na miyembro ng nasabing grupo ang nasawi habang anim na naman ang nasugatan sa hanay ng mga sundalo.
Tiniyak naman ni Padilla na nasa maayos nang kondisyon ang mga sugatang sundalo na pawang ginagamot ngayon.
Ayon kay Padilla, ang ginawang pagkubkob ng Maute Group sa bahagi ng bayan ng Butig ay pagpapakita na malakas ang kanilang pwersa upang makakalap ng suporta mula sa mas malalaking teroristang grupo.
Sa huling datos ng AFP, nasa 100 lang ang miyembro ng nasabing grupo at mayroon silang 70 armas.
Pero ayon kay Padilla, patuloy ang pag-recruit ng grupo para sa mga bagong miyembro.
Sa ngayon sinabi ni Padilla na nagpapatuloy ang kanilang opensiba sa bayan ng Butig, at ang mga apektadong residente ay inilikas na.