Doktor sa Cebu, nahulihan ng shabu

 

Nasukol ng pulisya ang isang doktor, matapos siyang mahulihan ng hinihinalang shabu sa loob ng kaniyang clinic sa bayan ng Cordova sa isla ng Mactan.

Nakilala ang suspek na si Dr. Benjamin Degamo na may clinic sa kaniyang tahanan sa Golden Meadows Subdivision sa Brgy. Gabi sa Cordova.

Ayon kay PO3 Eleazar Llanes, kasalukuyan siyang naka-ditine sa Cordova Police Station, habang nakabinbin pa ang pagsasampa ng kasong drug possession laban sa kaniya ngayong araw.

Ani Llanes, rumesponde ang kaniyang team sa tawag ng kanilang kasamahan na si PO1 Ricky Pepito na nataong clinic ni Degamo, hapon ng Sabado para magpa-konsulta.

Habang naroon aniya si Pepito ay nadatnan nito ang pagdating ng isang kahina-hinalang lalaki na nag-abot ng maliit na package sa doktor.

Nasita agad ni Pepito si Degamo at naaktuhang may hawak na dalawang maliit na plastic sachets ng hinihinalang shabu, ngunit nakatakas naman ang courier.

Napag-alaman ng mga pulis sa mga drug pushers sa Cordova na kilalang gumagamit ng iligal na droga ang naturang doktor na umaarkila pa umano ng mga errand boys para bumili ng droga para sa kaniya.

Read more...