Joma Sison, nagpaabot ng pakikisimpatya sa pagpanaw ni Cuban revolutionary leader Fidel Castro

INQUIRER FILE PHOTO

Nagpaabot ng pakikisimpatya si Communist Party of the Philippines founding chairman Jose Maria Sison sa pamilya ng namayapang Cuban revolutionary leader na si Fidel Castro.

Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Sison na sa ngalan ng International League of Peoples Struggle na kanyang pinamumunuan ay iniaalay nila ang mataas na pagkilala kay Castro na isa sa mga nanguna sa rebolusyonaryong pakikibaka laban sa imperyalismo ng Estados Unidos.

Kinilala din ng Sison ang iba pang itinaguyod ni Castro noong namumuno pa ito bilang lider ng bansang Cuba tulad ng pagsusulong ng sosyalismo at komunismo.

Ang kadakilaan aniya ng Cuban revolution sa ilalim ng pamumuno ni Castro ay isang katunayan na sa kabila ng pagiging maliit na bansa ng Cuba ay nagtagumpay itong makalaya sa imperyalismo ng US.

Sinabi rin ni Sison na dahil sa diskarte, pagtitiyaga at matatag na ‘revolutionary spirit’ ni Castro ay naging matagumpay ang pagsusulong sa Cuban revolution.

Mananatili aniya na isang kahanga-hangang revolutionary leader si Castro na hindi makakalimutan ng sambayanan.

Pumanaw si Castro sa edad na 90 taong gulang at ito ay inanunsyo ng kanyang nakakabatang kapatid at successor na si Raul Castro sa pamamagitan ng state television.

Read more...