Matapos ang anim na oras na sinabayan pa ng hindi magandang panahon, mapayapang natapos ang isinagawang “Black Friday” protest o ang “National Day of Unity and Rage” laban sa paghihimlay kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB).
Umabot sa 20,000 mahigit katao na pawang mga estudyante, youth groups, mga biktima ng martial law at kanilang mga kaanak, at iba pang mga anti-Marcos ang nagtipun-tipon sa Luneta Park kahapon.
Natapos ang mismong programa ng mga organizers pasado alas-8:00 ng gabi, kung saan ilang mga personalidad at biktima ng martial law ang nagbigay ng kanilang mga talumpati.
Kusa at mapayapa namang nag-disperse ang mga nag-protesta, at pinulot pa ang kanilang mga kalat sa lugar.
Natuwa naman ang mga organizers ng protesta, dahil pumunta pa rin ang mga tao kahit na hindi maganda ang panahon, at sa kabila rin ng mga “disinformation” na kumalat sa internet.
Ikinagalak naman ni Bayan secretary general Renato Reyes ang partisipasyon ng mga kabataan, at umaasa siya na ang mga ito na ang magpapatuloy ng kanilang mga isinusulong.
Hindi rin inakala ni dating Sen. Rene Saguisag na magiging aktibo ang mga kabataan sa mga ganitong kaganapan, at aniya akala niya ay silang mga matatanda na lamang ang susulpot sa protesta.