Testimonya nina Dayan at Espinosa, hindi nagtutugma

kerwin dayanNapuna ng ilang mga mambabatas ang ilang hindi pagkakatugma sa mga naging testimonya ni Ronnie Dayan at ng confessed drug lord na si Kerwin Espinosa sa kani-kanilang pagharap sa Kamara at Senado.

Ilang kongresista ang nagtaka sa kung paano inamin ni Dayan na tumatanggap siya ng pera mula kay Espinosa, ngunit idinepensa nito na wala siyang alam na nagbebenta pala ito ng iligal na droga.

Dahil dito, pinayuhan ni South Cotabato Rep. Ferdinand Hernandez ang Department of Justice (DOJ) na pag-isipang mabuti ang pagtatalaga nila kay Dayan bilang state witness hanggang sa ilabas nito ang buong katotohanan.

Ayon kay Hernandez, mayroon siyang mga napunang inconsistensies sa mga pahayag ni Dayan na aniya’y “incredible, far-fetched, sometimes spectacular.”

Iginiit rin kasi ni Dayan sa pagdinig na wala siyang impluwensya sa mga desisyon ng naka-relasyon nitong si Sen. Leila de Lima noon bilang kalihim ng DOJ.

Gayunman, inamin niya na may mga inirekomenda lang siya kay De Lima na mga tao para i-promote, pero ang dating kalihim pa rin ang may hawak ng huling desisyon.

Hindi naman kumbinsido si Hernandez sa mga sinabi ni Dayan.

Naguluhan naman si Magdalo Rep. Gary Alejano sa kung paano inayos ni Dayan ang pakikipagkita ni De Lima kay Espinosa sa Baguio nang hindi nito kinukuha ang cell phone number ng drug lord.

Nagkaroon rin ng pagkakaiba sa sinabi ni Espinosa at Dayan tungkol sa kung kailan sila unang nagkita.

Ayon kasi kay Espinosa, August 2015 niya unang nakita si Dayan, ngunit ayon naman kay Dayan, August 2014 sila unang nagkita.

Sinabi rin ni Espinosa na apat na beses siyang nagpa-abot kay Dayan ng pera para kay De Lima, pero ayon kay Dayan, limang beses niya itong ginawa.

Nang tanungin naman siya tungkol sa pagkakaiba ng taon sa pahayag nila, sinabi ni Dayan na baka hindi na siya ang nakaharap ni Espinosa noong 2015.

Read more...