Singil ng Meralco bababa ng P0.26 kada kilowatt hour

Power rate
Mula sa twitter account ng Meralco

Sa halip na tumaas ang bayarin sa kuryente gaya ng naunang pagtaya ng Manila Electric Co. (Meralco), sinabi ng tagapagsalita ng kumpanya na si Joe Zaldarriaga na may pagbaba pa sa bill ng mga consumers ngayong buwan.

Ito na ang ika-apat na sunod na buwan na magpapatupad ng pagbaba sa presyo ng kuryente ang Meralco.

Sinabi ni Zaldarriaga na P0.26 kada kilowatt hour ang mababawas sa singil ngayong buwan ng Agosto. “Matapos ang tatlong sunod-sunod na buwan ng reduction sa overall electricity rates para sa mga customers po natin, muli, ngayong Agosto ay may pagbaba ulit sa presyo ng kuryente na P0.26 kada kilowatt hour,” ayon kay Zaldarriaga.

Katumbas ito ng P52.56 na kaltas sa mga kumokonsumo ng 200kwh sa isang buwan, P78.83 na bawas sa mga kumokonsumo ng 300kwh, P105.11 sa mga kumokonsumo ng 400kwh at P131.39 sa mga kumokonsumo ng 500kwh.

Kahapon inanunsyo ni Zaldarriaga na maaring magkaroon ng pagtaas sa presyo ng kuryente ngayong buwan dahil sa mga naranasang kakapusan sa suplay ng kuryente noong buwan ng Hulyo na maaring magresulta sa mas mataas na generation charge.

Sinabi ni Zaldarriaga na dahil sa supply restrictions sa Malampaya power plant gumamit ng liquid fuel na nangangahulugang mas napamahal ang mga power suppliers.

Pero paliwanag ni Zaldarriaga, matapos na makapagsumite ng kanilang billings ang mga suppliers, at makapag-compute ang Meralco, ay nagkapagtala pa ng bawas sa generation charge, transmission cost at taxes para sa August 2015 rates./ Dona Dominguez-Cargullo

Read more...