Naghain ng quo warranto petition si Rizalito David sa Senate Electoral Tribunal dala ang P50,000 na filing fee na galing umano sa kanyang mga kaibigan at P10,000 na deposit aniya ay inutang niya. Ani David, walang grupong pulitikal na nasa likod niya.
“Walang grupong pulitikal at walang sinumang pulitiko ang nag-tulak sa akin para ipa-review sa Senate Electoral Tribunal ang background ni Senador Grace Poe”, yan ang paliwanag ni Lito David sa petisyong kanyang inihain sa S.E.T laban sa mambabatas nang makapanayam ng Radyo Inquirer.
Sa 16 na pahinang petisyon ni David, sinabi nito na hindi kwalipikado si Poe sa pagiging senador dahil hindi ito natural born Filipino Citizen na siyang itinatadhana ng Saligang Batas. ‘Stateless’ aniya si Poe dahil sa hindi kilala ang mga magulang nito.
Kahapon sana unang binalak ni DavId na ihain ang petisyon matapos hindi tanggapin ng SET dahil wala itong dalang pera para sa filing at deposit.
Ani David, karapatan ng taumbayan na kilalanin kung sino ang mga nag-aalok ng paglilingkod para sa darating na 2016 National Elections.
Nauna dito ay sinabi ng mga kaalyado sa pulitika ni Sen. Poe na politically motivated ang naturang reklamo na naglalayong paurungin lamang ito sa planong tumakbo sa panguluhang posisyon./Erwin Aguilon, Den Macaranas