Inilabas na ng Sta. Maria, Bulacan Police ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa pagsabog ng isang pagawaan ng paputok na ikinamatay ng tatlong katao at ikinasugat ng limang iba pa.
Nabatid na nakitaan ng paglabag ang AA Fireworks dahil hindi nasunod ang kailangang distansiya sa bawat section kung saan pinoproseso ang mga paputok para naiwasan sana ang sunog o pagsabog.
Ayon kay Police Renier Balones, hepe ng Santa Maria, Bulacan Police hindi sinunod ng kumpanya ang inaprubahang plano ng kanilang pabrika, nagdagdag daw kasi ng apat na dikit-dikit na assembly area sa loob ng pabrika na malapit sa mixing section kung saan naroon ang explosives o pinaglalagyan ng black powder.
Sa resulta din ng imbestigasyon Santa Maria Police lumalabas na nagkaroon ng mishandling sa paggawa ng paputok.
Nang pumutok daw kasi ang isa sa semi-finished product na hawak ng empleyadong si Marvin Casao nadamay ang may nasa dalawang libong kwitis sa assembly area na hindi raw dapat naroon kung sinunod nila ang safety standards.
Inaresto na kahapon ng mga pulis ang may-ari ng pabrika na si Wilfredo Alonzo at ang empleyado na si Marvin Casao.
Nakatakda silang sampahan ng kasong reckless imprudence in homicide ngayong araw.
Nananatili naman sa Rogaciano Hospital ang isa sa limang sugatan sa pagsabog na si Ryan Magnaye.
Magsasagawa ng inspeksiyon ang lokal na pamahalaan sa lahat ng pagawaan at nagbebenta ng paputok sa Santa Maria, Bulacan matapos ang insidente.
Babala nila ipasasara ang makikitang may paglabag sa RA 7183 o firecrackers and pyrotechniques devices law.