Bahagi ng testimonya ni Kerwin, kuwestyunable-Lacson

 

Lyn Rillon/Inquirer

May ilang bahagi sa testimonya ng self-confessed drug trafficker na si Kerwin Espinosa ang nakalilito at hindi pa maituturing na ‘solido’.

Ayon kay Senado Panfilo Lacson, marami sa mga naging pahayag ng nakababatang Espinosa ang maraming butas at kinakailangan pang siyasatin ng mabuti.

Inihalimbawa ni Lacson ang testimonya ni Kerwin sa kung paano niya nakilala si Ronnie Dayan, ang driver at nakarelasyon ni dating Justice Secretary at ngayo’y Senador Leila De Lima.

Si Dayan ang sinasabing ‘bagman’ ni De Lima na tumanggap umano ng milyun pisong halaga ng salapi na nakalaan para sa noo’y Justice Secretary na si De Lima.

Sa pahayag aniya ni Kerwin, nakilala niya si Dayan sa pamamagitan ni Albuera Police Chief Jovie Espenido.

Gayunman, mariing itinanggi naman ni Espenido ang naturang pahayag ni Kerwin.

Kailangan din aniya ng ‘corroborating evidence’ kaugnay sa mga pahayag ni Kerwin ukol sa pagtanggap umano ng ‘payola’ ng mga pulis.

Samantala, nagpahayag rin ng pag-aalinlangan si Senador Richard Gordon sa pahayag ni Kerwin Espinosa ukol sa kung paano niya nakilala si Dayan.

Partikular na naitanong ni Senador Gordon ay kung paanong makakatanggap ng tawag si Kerwin mula kay Espenido upang ipakilala si Dayan gayong sinabi nitong galit sa kanya si Espenido noong mga panahong iyon.

Read more...