Kerwin Espinosa tinangkang patayin ng hepe ng Albuera, Leyte

Jovie Espenido
Inquirer file photo

Ibinunyag ng suspected drug lord na si Kerwin Espinosa na noong dekada 90 ay minsan na siyang pinagtangkaang patayin ng kasalukuyang hepe ng pulisya sa bayan ng Albuera, Leyte na si Chief Inspector Jovie Espenido.

Ipinaliwanag ni Kerwin na noong mga panahong iyun ay nagtatrabaho siya bilang political assistant ng pamilya Locsin na isang kilalang political clan sa Leyte.

Noong mga panahon na iyun ay kilalang supporter naman ng pamilya Codilla si Espenido.

Dahil magkalaban ang kanilang mga amo kaya umano siya pinag-initan at pinagtangkaang patayin ng naturang pulis base na rin sa impormasyon na kanyang nakuha sa isang Barangay official na kinilalang si Abojo Magno.

Isang lalaki raw ang binaril ni Espenido kaya ito nagkaroon ng kaso sa pag-aakalang ang lalaking iyun ay si Kerwin.

Nang maupo sa pwesto si Pangulong Rodrigo Duterte ay nagulat umano ang pamilya Espinosa dahil itinalaga bilang hepe ng pulis sa kanilang bayan si Espenido.

Sa pagdinig ng Senado kanina, sinabi ni Espinosa na si Espenido rin ang naging daan kung bakit niya nakilala si Ronnie Dayan na dating bodyguard at lover ni Sen. Leila De Lima.

Sa kanyang testimonya ay idinetalye ni ni Espinosa kung ilang beses siyang nagbigay ng pera kay De Lima bilang donasyon sa nakalipas na eleksyon at ang nasabing mga transaksyon ay dumaan umano kay Dayan.

Idinetalye rin ni Espinosa na “drawing” ang ginawang pagsalakay sa kanilang tahanan kamakailan ng mga tauhan ni Espenido kung saan ay pinatay umano ang ilan sa kanilang mga tauhan.

Read more...