Umabot umano sa kabuuang walong milyong piso ang naibigay ni Kerwin Espinosa SrJr., na sinasabing para kay Senator Leila De Lima, bago ang 2016 elections.
Sa kaniyang testimonya sa senado, sinabi ni Kerwin na hanggang February 2016, nakumpleto niya ang P8 million na hiningi ni Ronie Dayan na para pantulong di umano sa kampanya ni De Lima.
Si Dayan umano ang tumawag sa kaniya at sinabing kailangan niyang magbigay ng pera kay De Lima para pantulong sa kampanya nito.
Para makasiguro, sinabi ni Kerwin na nagtanong-tanong pa siya kina Alyas Jaguar at Peter Co kung talagang makakaasa siya ng proteksyon mula kay De Lima kung magbibigay siya ng drug money na kapwa kinumpirma naman ng dalawa.
Sa simula, P2 milyon ang hinihinging drug money ni Dayan kay Kerwin para kapantay daw ng perang ibinibigay ni Jaguar kay De Lima, pero ayon kay Kerwin natawaran niya ito sa P700,000 lamang kada buwan dahil binanggit niya kay Dayan na siya ay downline lang ni Jaguar.
Aminado naman si Kerwin na sa mga pagkakataon na nag-abot siya ng pera ay pawang kay Dayan niya ito iniabot at hindi nagkaroon ng pagkakataon na nag-abot siya ng personal kay De Lima.
Ang unang pagkikita umano nila ni Dayan ay naganap sa parking area ng Mall of Asia sa Pasay City na nasundan ng pagkikita nila sa parking area din sa Dampa sa Macapagal Boulevard.
Sinabi ni Kerwin na nagduda siya na baka hindi nakakarating kay De Lima ang pera kaya hiniling niya kay Dayan na kung pwedeng sa susunod na pag-aabot niya ng pera ay makita niya ng personal si De Lima.
Doon aniya naganap ang pagkikita nila ni De Lima sa Baguio City kung saan nagpapicture pa siya at kaniyang misis sa Senadora na noon ay justice secretary.
Sa pagkakataong iyon, sinabi ni Kerwin na hindi pa rin niya personal na iniabot kay De Lima ang pera at sa halip si Dayan pa rin ang tumanggap ng drug money.