Sandaling ipinakalat ng mga bandidong Abu Sayyaf ang isang video sa internet, kung saan makikita ang kanilang hostage na German na si Jeurgen Kantner na humihingi ng tulong.
Sa naturang video na sandaling kumalat sa Facebook, umapela si Kantner ng tulong mula sa pamahalaan ng Pilipinas at ng Germany upang makalikom ng ransom.
Maririnig ang boses ni Abu Sayyaf spokesperson Muammar Askali na mas kilala sa pangalang Abu Rami, sa background ng video at inuutusan si Kantner na magsalita.
Unang sinabi ni Kantner sa video na P500,000 ang kaniyang kailangan para makalaya, ngunit itinama siya ng mga bandido at sinabing ang ransom ay P5 million.
Sinabihan naman ni Askali si Kantner na isulat ang kaniyang pangalan at address upang bigyan siya ng pagkakataong makausap ang kaniyang pamilya, ngunit napansin niya na hindi binibigay ng Aleman ang mga tamang detalyeng kailangan nila.
Dagdag ni Askali, una nang sinabi ni Kantner na siya si Kantner Jurgen na nagtrabaho noon sa Heizung Gaver.
Ayon pa kay Askali, sinabi sa kanila ni Kantner na hindi pa siya kailanman nadukot, at na hindi siya ang sinasabing na-kidnap sa Somalia noong 2008.
Banta ng bandido, oras na malaman nilang nagsisinungaling ang Aleman na bihag, hindi sila magdadalawang isip na saktan ito.
Si Kantner at ang kaniyang misis na si Sabine Merz ay dinukot ng Abu Sayyaf noong November 5 nang mula sa kanilang yate sa Sabah.
Ayon kay Askali, pinatay nila si Merz nang subukan nitong barilin sila nang makarating sila sa Tawi-Tawi.
November 6 ay may natagpuang bangkay ng babae na nakahandusay sa tabi ng isang shotgun, sa isang yate na may watawat ng Germany, sa may Labaran Island, Sulu.