Dalawa pang kaanak ni ex-Agriculture Sec. Alcala, arestado dahil sa droga

 

Dalawa pang kamag-anak ni dating Agriculture Secretary Proceso Alcala ang naaresto ng pulisya dahil sa pagkakasangkot sa iligal na droga sa bayan ng Sariaya, Quezon.

Pinangalanan ng pulisya ang mga naarestong suspek na sina Sahjid Alcala, 35,  at kapatid nitong Cer Olleriz Alcala, 23,  na kapwa anak ng kapatid ng dating Kalihim na si Cerilo ‘Athel’ Alcala.

Una nang naaresto si Athel at ang anak nitong si Sahjid noong 2008 makaraang mahulihan ng ilang sachet ng shabu ngunit napalaya rin kalaunan.

Noong Agosto, sumuko na rin sina Athel at anak na si Sahjid sa mga otoridad matapos isangkot rin sa operasyon ng iligal na droga sa lalawigan ng Quezon.

Gayunman mariing itinanggi ng mga ito na may kinalaman sila sa illegal drug trade.

Ayon sa mga otoridad, naaresto ang magkapatid na Alcala sa isang buy-bust operation sa Wood Lane estates, Ph. 2m Bgy. Balubal sa Sariaya, Martes ng madaling-araw.

Nakuha sa mga ito ang nasa 62.30 gramo ng hinihinalang shabu at ilang drug paraphernalia.

Naaresto rin sa naturang raid ang iba pang mga suspek na sina Noel Gariel, Abutin, Dona May Abastillas, Joel Lambit at Yumiko Angela Tan.

Una rito, naaresto na rin ng mga otoridad ang asawa ni Athel at isa pang babaeng anak nito sa isa ring drug raid sa Tayabas City noong Styembre.

Read more...