Sundalo patay, apat pa nasawi sa encounter sa Maguindanao

Apat katao na sinasabing miyembro ng mga armadong grupo na nagkakanlong sa puganteng alkalde ng Talitay, Maguindanao na si Mayor Montasil Sabal at isa pang sundalo ang nasawi sa bakbakan sa Liguasan marsh nitong Lunes.

Ang operasyon ay resulta ng patuloy na pagtugis ng pulis at militar sa alkalde na una na ring tinukoy ni Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot sa ‘narco-politics’ sa Maguindanao.

Buwan pa ng Agosto nang magsimulang magtago ang alkalde.

Una nang naaresto ang kapatid nitong si Abdulwahab ng mga otoridad.

Ayon kay Major Gen. Carlito Galvez Jr., commander ng 6th Infantry Division ng Army, nasawi si Staff Sergeant Giovanni Olimpo nang tamaan ito ng bala habang tinutugis ang mga armadong suspek.

Kinumpirma naman ni Abu Misri Mama, tagapagsalita ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na kanilang mga tauhan ang mga nakaengkwentro ng militar sa boundary ng Talitay at Datu Anggal Midtimbang sa Maguindanao.

Gayunman, ayon kay Mama, isa lamang ang nasawi sa kanilang panig resulta ng bakbakan.

Read more...