Sisimulan na ng Senado ang kauna-unahan nilang public hearing kaugnay sa Charter change sa December 8.
Ito ay ayon mismo kay Senate Pro Tempore Franklin Drilon, na pinuno rin ng Senate committee on constitutional amendments, inaasahang sa ganoong panahon ay nasa bicameral conference committee na ang usapin sa budget kaya may libre na silang oras.
Ani Drilon, kabilang sa mga mapag-uusapan sa hearing ng Cha-cha ay kung kailangan ba talaga baguhin ang Saligang Batas, at bakit.
Sakali aniyang kailangan talaga itong gawin, aalamin rin nila kung ano ang pinakamagandang hakbang na gagamitin para dito, at kung gagawin ba ito sa pamamagitan ng consitutional convention (Con-con) o constitutional assembly (Con-ass).
Kung Con-con ang mapipili, tutukuyin rin nila kung ilang delegado ang mayroon sila, habang kung Con-ass naman ang mapipili, aalamin pa nila kung magkahiwalay o magkasamang boboto ang dalawang kapulungan ng Kongreso.
Noong nakaraang buwan lang ay naaprubahan na ng constitutional amendments committee ng Kamara ang resolusyon na nananawagan sa Kongreso na mag-convene sa isang assembly para magpanukala ng mga pagbabago sa Konstitusyon.
Bumuo na rin ang nasabing komite ng technical working group na magsasama-sama ng mga bills na naghahangad na gumamit ng Con-ass.
Dagdag pa ni Drilon, ang “full blast” ng kanilang mga pagdinig ay sa Enero pa, pero sisimulan na nila ito sa susunod na buwan.
Inimbitahan na rin niya aniya ang ilang mga resource persons na inaasahan niyang makakatulong sa kanila sa ilang mga isyu.
Kumpyansa naman si Drilon na bukas ang kaniyang mga kasamahang senador na amyendahan ang Konstitusyon, lalo’t 30 taon na ang nakalipas nang ito ay mabuo at marami na ang nagbago simula noon.