Ibinunyag ni Sen. Manny Pacquiao na ang isa sa dalawang mambabatas na nakatakdang pangalanan ng hinihinalang drug lord na si Kerwin Espinosa na tumanggap ng pera mula sa kanya ay si Sen. Leila de Lima.
Sa isang panayam, sinabi ni Pacquiao na batay sa sinumpaang salaysay, binanggit ni Kerwin nagbigay siya ng walong milyong piso kay De Lima.
Inabot aniya ang nasabing pera sa isang taong nagngangalang Dayan, pero hindi partikular na sinabi ni Pacquiao kung ito ang dating driver-bodyguard at lover ni De Lima na si Ronnie Dayan.
Sinabi pa ni Pacquiao na minsan nang inutusan ni Dayan si Kerwin na pumunta sa Baguio City para ihatid ang pera.
Bukod dito, kinumpirma rin ng senador na binanggit din ni Kerwin sa kanyang affidavit ang ilan pang elected at police officials na sangkot din sa iligal na droga.
Una nang inihayag ni De Lima na inaasahan na niyang idadawit siya ni Kerwin sa operasyon ng iligal na droga pero kasabay nito ay ilang beses itinanggi ng senadora na sangkot siya sa illegal drug trade.
Inaasahang dadalo si Kerwin sa imbestigasyon ng Senate public order committee na pinangungunahan ni Sen. Panfilo Lacson bukas, araw ng Miyerkules.