Kinasuhan ng Office of the Ombudsman si Taguig City Mayor Lani Cayetano kaugnay sa pagpapasara nito sa session hall ng Sangguniang Panglungsod noong Agosto ng taong 2010.
Si Cayetano at ang Officer-in-Charge at Administrator ng Taguig City na si Jose Montales ay sinampahan ng kasong paglabag sa Article 143 ng Revised Penal Code na nagpapataw ng parusa laban sa indibidwal na gumagamit ng puwersa para mapigilan ang pagpupulong ng mga local legislative bodies.
Sa rekord ng Ombudsman, noong August 2010, pinaalis ang City Council ng Taguig sa lugar kung saan sila tradisyunal na nagsasagawa ng sesyon at saka sila inilipat sa maliit na silid sa auditorium ng lungsod. Ipinasara umano nina Cayetano at Montales ang session hall gamit ang padlock dahilan para labing-apat na ulit na magsagawa ng sesyon sa ibang lugar ang City Council.
Sa resolusyon, binalewala ni Ombudsman Conhicta Carpio-Morales ang katwiran nina Cayetano at Montales na ang paglilipat sa lugar na pinagdarausan ng sesyon ay bahagi ng reengineering at reorganization plan ng lungsod. “There was no plan nor a semblance of a project study that would validate the necessity of effecting immediate change in the layout of the city hall offices,” ayon kay Morales.
Sinabi pa ng Ombudsman na bigo din sina Cayetano at Montales na makatugon sa isinasaad ng Section 45 B, Article 1, Chapter 3 ng Local Government Code na nag-aatas sa mga local chief executives na magtalaga ng opisina o lugar para sa maayos at epektibong governance ng mga opisyal ng LGUs. / Erwin Aguilon