Kaso laban kay Grace Poe sa Senate Electoral Tribunal, pananakot lamang ayon kay Sen. Chiz Escudero

10grace-chiz2-300x164
Inquirer file photo

Walang personalidad si Atty. Rizalito David para kuwestyunin ang pagkakaluklok kay Senator Grace Poe at hilingin ang pagpapatalsik dito sa Senado.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Senator Chiz Escudero na duda siya sa basehan ni David at naniniwala siyang mayroon taong nasa likod ng nasabing abogado para takutin at guluhin si Poe.

Paliwanag ni Escudero, sa ilalim ng batas, ang pagkakaluklok sa puwesto ng isang opisyal ay maaring kwestyunin labing-limang araw matapos siyang maiproklama. “Bakit ngayon lang? Magtatatlong taon nang senador si Senator Grace Poe. Hindi ako naniniwalang walang nasa likod nito, ang layunin nito ay takutin at i-harass si Senator Poe,” ayon kay Escudero.

Sinabi pa ni Escudero na hindi rin naman si David ang makikinabang sakaling magtagumpay siya sa kaniyang quo warranto petition sa Senate Electoral Tribunal (SET) dahil hindi siya ang papalit dito sa pwesto.

Sa halip na si David, sinabi ni Escudero na kung mayroon mang alinlangan o kuwestyon sa kakayahan ni Poe bilang isang senador, ang Office of the Solicitor General aniya ang dapat na gumawa ng hakbang hinggil dito.

Nalulungkot naman si Escudero nararanasan ngayon ni Poe ang nauna nang dinanas ng kaniyang ama na si yumaong Fernando Poe Jr. Ayon kay Escudero, ang mga isyung ipinukol noon kay FPJ na kawalan ng karanasan at hindi pagiging Filipino Citizen ay siya ring ibinabato ngayon sa kaniyang anak .“Nakakalungkot na kung ano ang ginawa sa ama ginagawa ngayon sa anak. Kay FPJ ganoon din ang sinasabi, walang karanasan at hindi Filipino Citizen, ngayon eksaktong isyu din ang ibinabato kay Sen. Poe,” paglalahad pa ni Escudero.

Base sa pagkakakilala ni Escudero sa mag-amang Poe, sinabi nitong mas matibay si Senator Grace sa pagharap sa mga batikos dahil nakita na niya ang dinanas noon ng kaniyang ama./ Dona Dominguez-Cargullo

Read more...