Paghukay sa bangkay ni Marcos hindi katanggap-tanggap ayon sa isang kongresista

Marcos LNMB
Inquirer file photo

Pinalagan ni House Deputy Speaker at Ilocos Sur Rep. Eric Singson ang mosyon sa Korte Suprema na pag-exhume o paghukay sa bangkay ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani o LNMB.

Sa isang pulong balitaan, iginiit ng kongresista na walang ilegal sa paghihimlay kay Marcos sa LNMB dahil nagpasya na ang Supreme Court na pahintulutan ang naturang burial.

Kaya hindi aniya katanggap-tanggap ang motion for exhumation ng grupo nina Albay Rep. Edcel Lagman at malaki ang posibilidad na hindi pagbigyan ng Mataas na Hukuman ang naturang mosyon.

Dagdag ni Singson, kahit sino ay hindi basta-bastang papayag na hukayin ang isang bangkay na nailibing na lalo’t sagrado ito para sa mga Pilipino.

At kung mismong ang pamilya Marcos at kanilang supporters ang tatanungin ay malamang na tututol at magagalit ang mga ito ayon kay Singson.

Pasaring naman ni Singson sa mga anti-Marcos burial, bakit hindi sila nag-file ng motion for reconsideration kaagad mula nang ilabas ang SC ruling.

Sa kabila nito, umapela si Singson sa lahat na hindi na dapat pang pag-awayan ang isyu ng Marcos burial.

Read more...