Magbibigay ang Department of Finance ng P1 Million na pabuya sa sinuman na makapagtuturo sa kinaroroonan ng suspek sa pumaslang kay Bureau of Internal Revenue Regional Director Jonas Amora.
Binaril hanggang sa mamatay si Amora sa loob ng kanyang sasakyan sa kahabaan ng Katipunan Avenue sa Quezon City kaninang umaga.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, naganap ang insidente sa kanto ng Topside at Katipunan/C-5 Road sa Barangay Escopa ilang minuto bago mag-alas singko ng madaling araw.
Nabatid na isang lalaking naka-motorsiklo ang bumaril kay Amora nang makarating ito sa nasabing lugar.
Ayon sa DOF, ang isang milyong pisong pabuya ay mula sa isang private individual na siya ring nag-alok ng P1-Million reward para sa ikaaaresto ng bumaril kay Bureau of Customs Deputy Commissioner Arturo M. Lachica noong nakaraang linggo.
Sa mga may impormasyon ukol sa mga suspek sa pamamaslang sa dalawang opisyal ay maaaring tawagan si DOF Head Executive Assistant Marc Gregory Crisostomo o si Technical Assistant Alddon Christner Ang sa telephone number na 523-9215 o 523-9219.