Kerwin Espinosa, posibleng ipatawag ng Kamara

inquirer Photo - Nino Jesus Orbeta
inquirer Photo – Nino Jesus Orbeta

May posibilidad na maipatawag din sa Mababang Kapulungan ang tinaguriang big time drug lord ng Eastern Visayas na si Kerwin Espinosa.

Ayon kay House Committee on Justice Chairman Reynaldo Umali, babasahin at pag-aaralan muna niya ang affidavit ni Espinosa bago siya magdesisyon kung iimbitahan ang umano’y drug lord sa congressional probe.

Kabilang aniya sa kanyang aalamin ay kung may koneksiyon si Espinosa sa drug trade sa New Bilibid Prisons o NBP na nauna nang siniyasat ng House Justice Panel.

Dagdag ni Umali, kapag nahuli na ang dating driver/lover ni Senadora Leila de Lima na si Ronnie Dayan, maaaring isabay sa kanya na humarap sa inquiry ng lupon si Espinosa.

Sa affidavit ng ama ni Kerwin na si Albuera Mayor Rolando Espinosa ay nabanggit ang maraming personalidad, kasama ang ilang kongresista, na protektor daw ng kanyang anak.

Matatandaang na nagpalabas ang Kamara ng warrant of arrest laban kay Dayan dahil hindi ito sumipot sa alinmang pagdinig ng Justice Committee ukol sa Bilibid drug trade.

Ang warrant of arrest ay naikalat na sa mga sangay ng Philippine National Police at National Bureau of Investigation o NBI para sa agarang pagtunton at paghuli kay Dayan.

Pero hanggang ngayon ay bigo pa rin ang mga otoridad na maaresto si Dayan, na kinakanlong daw ng isang malaking politiko sa Norte.

 

 

 

Read more...