Ilang kawani ng DOJ, plano umanong patalsikin si Aguirre

Kuha ni Erwin Aguilon
Kuha ni Erwin Aguilon

Ibinunyag ngayon ni Department of Justice (DOJ) Secretary Vitaliano Aguirre II na may mga kawani ng kagawaran na nagpaplano na patalsikin siya sa puwesto.

Sa binasang statement ni Justice Undersecretary Erickson Balmes mula kay Sec. Aguirre, nakasaad na nakarating sa kanyang kaalaman na may mga empleyado ng DOJ ang nagpupulong upang siya ay mapatalsik sa puwesto.

Ginagamit pa umano ang oras at resources ng gobyerno sa kanilang ginagawang pagpaplano.

Gayunman sinabi ng kalihim na hindi naman siya kapit-tuko sa puwesto bukod pa sa hindi niya hiningi ang posisyon sa pangulo.

Kapansin-pansin naman ang pagsusuot ng itim ng nga kawani ng DOJ sa flag raising ceremony kanina pero ayon kay Usec. Ennan Arceo kulay itim talaga ang uniporme nila at sa katunayan ay nakasuot din siya ng coat na itim.

Binalaan rin ng kalihim ang mga korap na empleyado at opsiyal na hindi ito mangingiming parusahan ang mga tiwaling kawani.

Nauna rito ipinatapon ni Aguirre sa Mindanao sina Deputy Senior State Prosecutor Miguel Gudio at Teodore Villanueva para doon daw ipakita ang kanilang galing.

Ipinag-utos din ni Aguirre sa lahat ng piskal ng DOJ ang pagsasagawa ng imbentaryo sa mga kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.

Ang kautusan ayon kay Aguirre ay kasunod ng mga ulat na nauuwi lang sa wala o nababasura ang mga kaso kaugnay sa droga dahil sa teknikalidad.

Sinabi ng kalihim na kung magpapatuloy ang paglamya ng mga kaso dahil sa kapabayaan ng piskal o kaya naman ay pinaglalaruan lamang ng mga pulis ang kaso, maaring mawalan ng saysay ang kampanya ng pamahalaan sa droga.

 

Read more...