Ready-to-eat arroz caldo at OL trap ng Pilipinas, pasok sa R&D 100 Awards

 

Mula sa Inquirer.net

Pasok sa R&D 100 Awards na kilala rin sa pagiging “Oscars of Invention” ang dalawang makabuluhang imbensyon ng mga Pilipinong scientists.

Napabilang dito ang “Pack of Hope” Ready-to-Eat Chicken Arroz Caldo ng Department of Science and Technology-Industrial Technology Development Insitute (DOST-ITDI), at ang Philippine Mosquito Ovicidal-Larvicidal Trap System (OL Trap), sa ilalim ng Process/Prototype category.

Dahil sa pagiging R&D 100 Award Finalist, makakasama na ang institusyong gumawa ng mga ito sa mga piling miyembro ng R&D community na kinikilala dahil sa kanilang malaking ambag sa pagsusulong ng science and technology.

Ginawa ng DOST-ITDI packaging technology division ang “Pack of Hope” noong 2013 para makatulong sa mga residente ng mga lugar na tinamaan ng kalamidad.

Dinisenyo ito para magsilbing disaster mitigation o relief food na agad maipamimigay at makakain ng mga nakaligtas sa kalamidad pati na rin sa mga emergency service responders.

Hindi na kailangan ng preparasyon ang pag-kain sa nasabing arroz caldo na nasilid nang maigi sa isang easy-open-stand-up retort pouch na may isang taong shelf life.

Magaan din ang lalagyan nito pero matibay at kakayanin ang matitinding kondisyon sa kasagsagan ng lang, sea at aerial distribution.

Samantala, sinimulan naman ng DOST-ITDI chemical and energy division noong 2011 ang OL Trap na isang anti-dengue contraption na kumokontrol sa pag-develop patungo sa adult stage ng Aedes Egypti na lamok.

Dahil dito, nababawasan rin ang pagkalat ng dengue virus na dala ng mga adult na Aedes mosquitoes.

Gumagana ito sa pamamagitan ng pag-attract sa mga babaeng lamok na mangitlog sa pinaglalagyan ng nasabing organic solution, na siya namang papatay sa mga itlog at larvae nito.

Mula noong 1963, taun-taong pinararangalan ng R&D Magazine ang top 100 innovative technologies sa pamamagitan ng kanilang R&D program.

Kabilang sa mga nananalo dito ay mga chemistry breaktrhoughs, biomedical products, consumer items, at sophisticated testing equipment.

Read more...