Malawakang kilos-protesta isasalubong ng mga anti-Marcos kay Pres. Duterte

 

File photo

Ibubuhos ng mga anti-Marcos protesters ang kanilang hinaing sa pagbibigay-daan sa paglilibing kay dating pangulong Ferdinand Marcos sa oras na umuwi na sa bansa si Pangulong Rodrigo Duterte mula sa kanyang pagdalo sa APEC meeting sa Peru.

Sa Byernes, araw ng takdang pagbabalik ng pangulo sa bansa, ikinakasa ng mga grupong kontra sa naganap na Marcos burial ang isang rally, upang kondenahin ang pangulo.

Giit ni Bonifacio Ilagan, convenor ng Campaign Against the Return of the Marcoses to Malacañang kahit saang anggulo tingnan, malinaw na si Pangulong Duterte ang naging susi sa biglaang paglilibing sa labi ng dating diktador sa Libingan ng mga Bayani dahil ito anila ang nagbukas ng isyu noong bagong upo pa lamang ito sa puwesto.

Dahil dito, kanilang pinag-iisipan na ang lugar kung saan isasagawa ang kilos-protesta ngaoyn pa lamang.

Maari aniya nila itong gawin sa Ayala Ave., sa Makati City o sa Luneta sa Maynila.

Umaasa ang grupo na magiging marami ang lalahok sa kanilang pagkilos at umaasa rin silang magmumula ang mga dadalo sa iba’t-ibang sektor ng lipunan.

Bukod sa rally sa Metro Manila, may ikinakasa ring kilos protesta ang iba’t-ibang grupo mula sa mga martial law survivors sa mga lalawigan na gaganapin sa November 25 at 30.

Read more...