Robredo nagbabala vs ballot recount kahit walang basbas ng Election Tribunal

 

Leni Robredo11
Inquirer file photo

Nababahala ang kampo ni Vice President Leni Robredo sa mga kumakalat na balita na umano’y magkakaroon ng ‘recount’ sa mga balota noong nakalipas na May elections sa kabila ng kawalan ng pormal na pahintulot mula sa Presidential Election Tribunal o PET.

Ang naturang mga hakbang umano ng ilang grupo ay upang ‘nakawin’ ang posisyon ng vice presidency mula kay VP Robredo.

Kumakalat ang mga text message na nagsasabing isasagawa ang recount ng mga balota sa katapusan ng Nobyembre sa apat hanggang limang probinsya.

Sa pagtatapos ng recount, sinasabing magkakaroon na ng bagong Bise Presidente sa susunod na taon.

Mataandaang naghain ng election protest ang kampo ni dating Senador at natalong vice presidential candidate Ferdinand Bongbong Marcos Jr. laban sa pagkapanalo ni dating Rep. Leni Robredo.

Ayon kay Georgina Hernandez, tagapagsalita ni Robredo, lalo lamang lumalakas ang naturang alingasngas nang biglaang ilibing ang labi ni dating Pangulong Ferdinand Marcos na mistula umanong ‘panakaw’ na isinagawa.

Ipinakita lamang aniya ng pamilya Marcos sa naturang hakbang na balewala sa kanila ang isinasaad ng batas dahil isinakatuparan ang libing kahit hindi pa final and executory ang desisyon ng Korte Suprema sa naturang usapin.

Panawagan ng kampo ni Robredo na manatiling mapagmatyag ang publiko sa gitna ng mga naglalabasang mga impormasyon.

Read more...