(2nd UPDATE): Tinupok ng apoy ang rooftop ng ilang establisimiyento sa Glorietta 3, Ayala Center, Makati City sa mahigit isang oras na sunog, Linggo ng gabi.
Maga-alas 8:00 ng gabi nang tumunog ang fire alarm na naghuhudyat ng sunog sa loob ng Glorietta 3 na ikinaalarma ng mga mga kawani at namamasyal sa naturang mall.
More scenes from Glorietta 3 fire @dzIQ990 pic.twitter.com/y3N0sInlfy
— jay dones (@jay_dones) November 20, 2016
Dahil dito bahagyang nagkagulo ang mga mamimili upang makalabas.
Sa ituktok ng Gold’s Gym na sa third floor ng establisimiyento namataan ng mga namamasyal ang pagsiklab ng sunog na umabot sa unang alarma.
Agad namang nakareponde ang mga in-house firefighting team ng Ayala Center na sinundan ng mga kagawad ng Makati fire at mga volunteer fire groups kaya’t naaapula ang sunog dakong alas 9:09 ng gabi.
Hinala ng mga kagawad ng pamatay sunog, nagsimula ang apoy sa ‘ducting’ o exhaust ng isa sa mga establisimiyento na katabi ng Gold’s Gym.
Sa pagsisiyasat ng mga arson investigators, napag-alamang nagmula ang sunog sa exhaust ng Hacienda Inasal, isa sa mga restaurant na katabi ng fitness gym.
Ang naipon na langis o grease sa duct system ang pinagmulan ng naturang sunog.
Wala namang naiulat na nasawi sanhi ng sunog.
Habang inaalam pa ng mga otoridad ang kabuuang halaga ng pinsala sa naturang insidente.