Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, (PAGASA), nababalot na ng kaulapan ang halos buong Mindanao, Visayas at Bicol Region at Palawan.
Ang nasabing mga lugar ay nakararanas na ng mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan at posibleng makaranas ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Ayon sa PAGASA, ang bagyong Hanna ay huling namataan sa 860km East ng Basco, Batanes. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 175 kilometers kada oras at pagbugsong aabot sa 210 kilometers kada oras. At kumikilos sa West Northwest sa bilis na 20 kilometers kada oras.
Dahil dito ay itinaas sa public storm warning signal number 1 sa Batanes Group of Islands.
Pinayuhan na rin ng PAGASA ang mga mangingisda na huwag pumalaot sa Northern at Eastern seaboards ng Luzon at sa baybayin ng Palawan, Visayas at Mindanao, dahil nagdudulot na ng mataas na alon ang hanging dala ng habagat at bagyong Hanna.
Ayon kay PAGASA forecaster Jun Galang, sa linggo pa ng umaga inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility ang bagyo.
Ang Metro Manila naman ngayong araw ay makararanas ng mahina hanggang katamtamang pag-ulan gayundin ang Calabarzon at mga lalawigan ng Mindoro, Marinduque at Romblon./ Dona Dominguez – Cargullo