Bahagi ng pakpak na nakita sa Reunion Island, kumpirmadong sa nawawalang MH 370 ayon sa mga aviation experts

AP photo
AP photo

Kumpirmadong bahagi ng nawawalang Malaysian Airlines flight 370 ang natagpuang bahagi ng pakpak sa Reunion Island noong nakaraang linggo.

Ito ang kinumpirma ng mga eksperto matapos ang isinagawang pagsusuri sa nakitang bahagi ng pakpak na kung tawagin ay ‘flaperon’.

Ayon kay Prime Minister Najib Razak ng Malaysia, dahil sa pagkakatuklas ng ‘flaperon’ ng nawawalang MH 370, lalong tumaas ang posibilidad na sa Southern Indian Ocean nga bumagsak ang eroplano. “It is with a very heavy heart that I must tell you that an international team of experts has conclusively confirmed that the aircraft debris … is indeed MH370,” ayon kay Razak.

Ang naturang bahagi ng pakpak na natagpuan sa Reunion Island sa France ang kauna-unahang physical evidence ng nawalang eroplano.

Ayon sa pamunuan ng Malaysia Airlines pawang mga eksperto mula sa France, Malaysian investigation team, at Australian Transportation Safety Bureau sa France ang nagsagawa ng pagsusuri sa nakitang bahagi ng eroplano.

Sinabi ng pamunuan ng Malaysian Airlines na umaasa silang sa mga susunod na araw ay may mga matutuklasan pa na mga bagay at parte ng eroplano na makatutulong sa pagresolba sa misteryosong pagkawala ng MH 370.

Noon March 8 nawala ang MH 370 na nagmula sa Kuala Lumpur patungo sana sa Beijing sakay ang 239 na katao./Dona Dominguez – Cargullo

Read more...