Desperado na ang iilan na mapigilan siyang tumakbo para sa 2016 elections kaya’t nagtatangka ang mga itong pigilan siya sa pamamagitan ng pagtatangkang sampahan siya ng reklamo sa Senate Electoral Tribunal.
Ito ang pananaw ni Senador Grace Poe sa bigong paghahain ng quo warranto petition ng isang Rizalito David sa SET na kukuwestyon sana sa kanyang residency sa Pilipinas.
Gayunman, tumanggi ang senadora na tukuyin ang mga nasa likod ng panibagong pag-atake laban sa kanyang citizenship.
“Wala naman po akong tinatago, umpisa pa lamang alam nyo ang aking pagkatao, alam nyo ako’y natagpuan, alam nyo kung sino ang nagpalaki sa akin, mga magulang ko. Alam nyong nakipagsapalaran sa ibang bansa at bumalik dito,” paliwanag ni Poe.
Naniniwala rin ang senadora na hindi ito ang huling pagkakataon na may magtatangkang palabasin na hindi siya Pilipino.
Pulitika lang anya ang nasa likod ng tangkang pagkuwestiyon sa kanyang pagiging isang Pilipino.
Naniniwala si Poe na sakaling maisampa ang reklamo, kumpyansa siyang matagumpay na maidedepensa ang sarili.
Kumpleto aniya ang kanyang mga hawak na dokumento na magpapatunay na isa siyang natural born Filipino./ Jay Dones