Umaabot sa tatlumpung bus na puno ng mga Marcos loyalists mula sa iba’t ibang mga lugar sa Ilocos Norte ang dumating sa Libingan ng mga Bayani para dumalaw sa puntod ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Bagaman mahigpit ang seguridad sa loob ng libingan ay pinayagan umanong makapasok ang nasabing mga loyalist ng dating lider ng bansa.
Isang “pasasalamat concert” din umano ang nakatakdang daluhan ng naturang grupo na gaganapin sa hindi binanggit na lugar sa Maynila.
Samantala, naghigpit na rin ng seguridad sa paligid ng mosuleo ng pamilya Marcos sa Batac, Ilocos Norte.
May mga ulat na ilang mga pulis ang idineploy sa paligid ng nasabing lugar pero nananatiling tikom ang kanilang panig sa kung ano ang tunay na pakay ng kanilang pagbabantay sa dating kinalalagyan ng mga labi ni Marcos.
Kahapon ay may ilang mga tagasuporta ng pamilya Marcos ang hindi na pinapasok sa mosuleo habang ginaganap ang hero’s burial para sa dating strongman.
Kasabay ito ng mga report na naiwan sa lugar ang sinasabing “wax” na noong una ay sinasabing preserved body ng dating lider ng bansa.