Pag-aaralan pa ng Philippine National Police ang posibilidad na mapayagan si Kerwin Espinosa Jr., na makadalaw sa burol ng kaniyang ama na si Rolando Espinosa Sr.
Ayon kay PNP Chief Ronald Dela Rosa, nais din naman niyang masilip man lang ni Kerwin ang kaniyang ama bago ito mailibing.
Pero dahil sa security reasons, kailangan itong pag-aralan at planuhing mabuti.
Sa ngayon nakaburol pa rin sa Albuera Leyte ang dating alkalde at may hinihintay pa umanong kapatid nitong uuwi galing US.
WATCH: PNP pag-aaralan pa kung papayagan si Kerwin Espinosa na dumalaw sa burol ng ama | @iamruelperez pic.twitter.com/eXK2A8hpRr
— RadyoInquirer990AM (@dzIQ990) November 18, 2016
Samantala magiging mahigpit ang ipatutupad na seguridad kay Kerwin habang ito ay nasa Camp Crame.
Ani Dela Rosa, walang bisita na papayagang basta-basta makapasok o makalapit kay Kerwin kahit pa abogado o miyembro ng kaniyang pamilya.
Lahat aniya ng bibisita ay dapat may clearance mula kay Sr. Supt. Abert Ferro, hepe ng PNP-Anti-Illegal Drugs Group.
Kaugnay nito ay inatasan na rin ni Dela Rosa ang PNP Region 8 para bigyang seguridad naman ang pamilya ni Espinosa sa Leyte.