Blue at pink books ni Mayor Espinosa, gawa-gawa lang ng pulisya ayon sa isang abogado

espinosa dela rosaGawa-gawa lang umano ng mga pulis ang pink at blue books na inilabas ni yumaong Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa na naglalaman ng pangalan ng mga protektor ng kalakalan ng iligal na droga sa Eastern Visayas.

Hinala ng abogado ni Ormoc City Mayor Richard Gomez na si Atty. Delito Sulibaga, si Albuera police chief Jovie Espenido ang may gawa ng nasabing mga notebook ni Espinosa na may listahan ng mga tumatanggap ng payola mula sa mga sindikato ng droga.

Ayon kay Sulibaga, may mga testigo na nagsabing pinilit lang sila ni Espenido at ng isa pang pulis na kinilalang si Heidi Yutrago na pirmahan at bigyang patunay ang nasabing listahan.

Dagdag pa ng abogado, mayroong mga pangalan na nasa listahan na talagang tumatanggap ng mga payola, ngunit ginawa lang talaga aniya ito ni Espenido para makapangdawit ng mga inosenteng tao.

Ani Sulibaga, sinabi ng mga testigo na wala naman talgang blue book at pink book dahil ang lahat ay idinikta lang, maliban sa ilang opisyal ng gobyerno na sangkot talaga sa kalakalan ng iligal na droga.

Tumanggi naman si Sulibaga na pangalanan ang mga testigong ito, ngunit sinabi niya na ang tatlong ito ay inilapit sa kaniya matapos makatakas mula kay Espenido.

Pawang mga pinagkakatiwalaang tauhan umano ang mga ito ni Kerwin Espinosa na gusto nang sabihin sa publiko ang katotohanan sakali man na sila ay ipapatay.

Nasa ilalim aniya ang mga ito ng isang grupo, pero humiling rin sila ng proteksyon mula sa gobyerno para na rin sa kanilang pamilya.

Sa tingin ni Sulibaga ay lalabas rin sa publiko ang mga ito sa tamang panahon.

Read more...